Habang papalapit ang kapaskuhan, patuloy ang pagpapaalala ng Department of Health sa publiko na panatilihin ang pagsunod sa minimum public health standards upang maiwasan ang pagdami pa ng kaso ng COVID-19.

Sa ating pagbiyahe at pagsakay sa mga pampublikong sasakyan, mariing ipinapaalala ng DOH ang mga importanteng bagay na dapat isaalang-alang.

Una na rito ang tamang pagsout ng face mask; tamang pagsout ng face shield; huwag makipag-usap o kumain sa loob nga pampublikong sasakyan; dumistansiya mula sa ibang tao, siguraduhing may dumadaloy na hangin o may sapat na ventilation sa loob ng sasakyan, at i-disinfect ang mga bagay at mga kamay; para sa mga driver ng mga pampasaherong sasakyan, tatandaan natin na bawal magpasakay ng mga pasaherong may sintomas ng COVID-19.

Payo ng DOH sa publiko na iwasan ang ilang aktibidad na mataas ang kadelikaduhan sa posibilidad na pagkahawa o pagkalat ng COVID-19, kasama na rito ang karaoke na paboritong aktibidad ng mga Pilipino tuwing may selebrasyon at pagsasalo-salo.

Paalala ng DOH, may mga respiratory droplets na nae-emit kapag tayo ay nagsasalita, at mas marami ito kung tayo ay kumakanta o sumisigaw.

Nais na masiguro ng Department of Health na sa pagpapatupad ng minimum public health standards ay magiging ligtas ang pasko at bagong taon para sa lahat.

May mga information drive ang DOH upang ipaalala ang kahalagahan ng pagpapanatiling kaligtasan at magandang kalusugan.

Ilulunsad naman ng Department of Health ang Iwas Paputok Campaign upang ipaalala ang mga panganib na dala ng mgapaputok. Sa ating pagdiriwang ngayong Disyembre, layunin natin ang kumpletong kaligtasan mula sa anumang sakuna at peligro.

Wala nang holiday season ang mas sasaya pa kung malusog at ligtas ang boung pamilya. Basta’t may pag-iingat, tuloy ang Pasko at Bagong Taon.

Samantala, sa pinakabagong update, tumaas pa ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa Eastern Visayas. May 86 bagong kaso na naitala sa Eastern Visayas as of December 8, 2020 kung saan umabot na sa bilang na 9, 123 ang pangkabuuang kaso ng COVID-19 sa rehiyon.

Sa bilang na ito, 94.16% ang dami ng mga gumaling o naka-recover sa sakit na nasa bilang na 8,590.

Ang bilang ng active cases ngayon ay nasa 435 pa.

Dahil dito, patuloy ang paalala ng Department of Health sa publiko na panatilihin ang pagsunod sa minimum public health standards laban sa COVID-19.

Maging BIDA Bastonero by informing, reminding, correcting, and appreciating BIDA Solusyon to ensure public, adherence to the minimum public health standards. Sa pagsunod dito siguradong magkakaroon tayo ng ligtas na pag-angat patungo sa #HealthyPilipinas!.